Aktibistang mangingisda susuwayin Chinese 'fishing ban' sa West Philippine Sea

Protesta ng PAMALAKAYA sa tapat ng Camp Aguinaldo General Headquarters kasabay ng pagtatapos ng US-PH Balikatan war exercises.
Released/PAMALAKAYA

MANILA, Philippines — Magkakasa ng serye ng "collective fishing" ang grupong PAMALAKAYA sa baybayin ng Zambales bilang protesta sa unilateral ban na ipinatutupad ng Tsina sa South China Sea at ilang bahagi ng West Philippine Sea.

Una nang nagdeklara ng apat na buwang "fishing moratorium" ang Tsina sa mga naturang lugar mula Mayo hanggang ika-16 ng Setyembre. Ito'y kahit nasa exclusive economic zone (EEZ) ng Maynila ang West Philippine Sea.

"Pagpapakita ito ng pagtutol ng mga mangingisda sa walang-batayang fishing ban ng China na sasaklaw sa ating teritoryo," ani Joey Marabe, provincial coordinator ng PAMALAKAYA-Zambales ngayong Martes.

"Hinihikayat namin ang mga kapwa namin mangingisda sa lalawigan ng Zambales na suportahan at makiisa sa isasagawa naming sama-samang pangingisda para sa ating karapatan sa West Philippine Sea."

"Magiging mapagbantay din kami sa anumang reaksyon ng China Coast Guard habang nagsasagawa kami ng kolektibong pangingisda."

Isasagawa ang collective fishing expedition mula ika-30 hanggang ika-31 ng Mayo sa Masinloc, Zambales. Matatapat ito sa pagdiriwang ng National Fisherfolk Day sa paagtatapos ng Mayo.

Ang naturang moratorium ay ibinalita ilang linggo matapos utusan ng Beijing ang China Coast Guard na ikulong ang mga "trespassers" sa South China Sea nang walang paglilitis. Ang West Philippine Sea ay matatagpuan sa loob ng naturang erya.

Ginagawa ito ngayon ng China matapos ang serye ng kanilang pamamangga, pambobomba ng tubig, panunutok ng laser, atbp. laban sa mga Pinoy sa loob ng West Philippine Sea. 

Iginigiit pa rin kasi ng Tsina ang kanilang soberanyang karapatan sa naturang lugar kahit na binalewala na ng Permanent Court of Arbitration ang nine-dash line claim ng bansa noong 2016.

Kasalukuyaang kontrolado ng Beijing ang ilang features sa loob ng Philippine EEZ gaya ng Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal).

Demilitarization ng West Philippine Sea

Ayon naman kay Fernando Hicap, national chairperson ng PAMALAKAYA, itutulak ng naturang collective fishing expedition ang pagpapaalis ng mga militar sa naturang katubigan.

Binanggit ito ni Hicap matapos makakuha ng mga ulat na tutol din ng mga mangingisda ng Masinloc sa nangyaring Balikatan exercise sa lugar na siyang nilahukan ng mga tropang Amerikano.

"Hanggang ngayon ay iniinda ng mga mangingisda ang isinagawang Balikatan sa San Antonio at San Marcelino sa Zambales," wika ni Hicap.

"Lubhang nakaapekto sa pangisdaan ang isinagawang pagpapalubog ng target vessel kung saan dalawang beses nagpakawala ng bomba sa dagat. Nagdulot ito ng pagkabulabog sa mga isda at posibleng pagkasira ng bahura (corals)."

Una nang iprinotesta ng Department of Foreign Affairs ang fishing ban na ipinatutupad ng Tsina, lalo na't taliwas ito sa napagkasunduan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping na i-de-escalate ang sitwasyon sa lugar.

Kamakailan lang nang sabihin ng Philippine Navy na maaaring mangisda sa territorial waters ang mga Pilipino, ito habang tinitiyak ang kanilang proteksyon. Aniya, hindi kikilalanin ng Navy ang fishing moratorium.

Show comments