Pinas, Brunei sinelyuhan ugnayan sa maritime, agrikultura, turismo

Kinausap muna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang mga Gabinete bago umalis sa Villamor Airbase, Pasay City kahapon patu­ngong Brunei Darussalam para sa 2-day state visit doon.
KJ Rosales

MANILA, Philippines — Sinelyuhan ng Pilipinas at Brunei ang tatlong mahalagang kasunduan na sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Sultan Hassanal Bolkiah sa unang araw ng state visit ng Pangulo sa nabanggit na bansa.

Kabilang sa mga ni­lagdaan ay memoranda of understanding (MOU) sa maritime cooperation at turismo habang ang pangatlo ay ang  Mutual Recognition of Standards of Training, Certification and Watchkeeping (STCW) certificates.

Pinirmahan din ang isang letter of intent (LOI) para sa sektor ng agrikultura at food security cooperation na layuning palakasin ang agrikultura ng dalawang bansa.

Isinusulong sa maritime cooperation ang mga hakbang sa paglaban sa polusyon, mga pagsasanay at pagsasaliksik at palitan ng importasyon sa larangan ng maritime.

Samantala sa turismo ay layong maisulong ang mga proyektong pang-turismo at mapataas ang pagbisita ng mga turista sa pagitan ng dalawang bansa partikular na sa mga lugar ng Islamic tourism at promosyon ng Muslim friendly destinations.

Sa ilalim naman ng STCW, kikilalanin ng dalawang bansa ang mga national certificate na inisyu ng dalawang bansa.

Ang LOI naman sa agrikultura ay inaasahang magpapalakas sa kooperasyon at kolaborasyon sa larangan ng agrikultura, seguridad sa pagkain at pagpapanatili sa katatagan ng agrikultura.

Ayon kay Pangulong Marcos, ang Pilipinas at Brunei ay patuloy na aktibo at may malapit na pakikipag-ugnayan sa lahat ng larangan ng bilateral na kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

“At para diyan, umaasa kaming palawakin ang mga partnership na nasimulan namin at nararamdaman namin na maraming potensyal na maaari naming suriin,” sabi ng Pangulo.

Umaasa ang Pangulo na ang partnership ng Pilipinas at Brunei ay lalampas sa nilagdaang MOU at LOI.

Sa kanyang bahagi, sinabi ng Sultan na patuloy na tumitibay ang ugnayang pang-ekonomiya at pagpapalitan ng mga tao sa pagitan ng Pilipinas at Brunei lalo na sa pagtiyak ng mga lugar na mutually beneficial para sa dalawang bansa.

“Inaasahan ko ang higit pang pagpapahusay ng ­ating pagkakaibigan sa mga lugar na may interes sa hinaharap, na sa tingin ko ay lubos na makikinabang sa ating mga bansa at mga tao,” sabi ng Sultan.

Idinagdag niya na ang paglagda sa tatlong MOU at ang LOI ay “magpapaunlad ng mas malalim na kooperasyon at pagkakaunawaan sa pagitan” ng mga Pilipino at Bruneian.

Ito ang ikalawang pagkakataon na nagtungo si Marcos sa Brunei sa dalawang taon niyang panunungkulan.

Matatandaan na noong Enero nitong taon ay nagtungo rin ang Pangulo sa nasabing bansa para dumalo sa kasal ni Prince Abdul Mateen, na ika-10 anak ni Bolkiah na ginawa sa Istana Nurul Iman.

Show comments