MANILA, Philippines — Patay ang isang babae habang sugatan naman ang walo sa gitna ng pananalasa ng Typhoon Aghon, ayon sa huling taya ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes.
Bahagi ang mga nabanggit sa 36,143 kataong naapektuhan ng bagyo. Kabilang diyan ang sumusunod:
Related Stories
- patay: 1
- sugatan: 8
- lumikas: 22,040
- nasa evacuation centers: 16,426
- nasa labas ng evacuation centers: 5,614
Sinsabing nagmula sa Balingasag, Misamis Oriental ang 14-anyos na babaeng namatay sa kasagsagan ng bagyo dulot ng "multiple physical injuries." Dead on arrival sa ospital ang biktima.
"On 24 May 2024, around 8:35 AM, due to strong winds, a balete tree fell on a tricycle parked at the side of the road with 2 students passengers," sabi ng NDRRMC kanina.
Naitala ang pag-apaw ng mga ilog, pagbaha, pagkatumba ng puno, pagguho ng lupa at mapaminsalang buhawi dahil din sa bagyo sa mga sumusunod na rehiyon:
- Cagayan Valley
- Central Luzon
- Calabarzon
- MIMAROPA
- Kabikulan
- Eastern Visayas
Wala pang datos sa ngayon ang NDRRMC pagdating sa pinsala nito sa agrikultura at imprastruktura. Gayunpaman, umabot na sa 22 kabahayan ang napinsala ng bagyo.
Namataan ng PAGASA ang sentro ng bagyo 315 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan 4 a.m. ngayong Martes. Tinatayang makalalabas ng Philippine area of responsibility ang typhoon sa Miyerkules.