Bureau of Quarantine naka-heightened alert vs ‘FLiRT COVID’
MANILA, Philippines — Ipinag-utos na ng Department of Health (DOH) sa Bureau of Quarantine (BOQ) ang pagsasailalim sa mahigpit na screening ng mga dumarating na pasahero mula sa mga bansang natukoy na may COVID “FLiRT” variants.
Sa inilabas na memo noong Mayo 24, 2024, sa direktiba ni Health Sec. Teodoro Herbosa, nakasaad ang paglalagay sa “heightened alert” ng lahat ng point of entry ng BOQ para sa “FLiRT” variants.
Sa kabila nito, sinabi ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo na hindi dapat maalarma ang publiko dahil bahagi lang ito ng kanilang pagmamatyag sa pagpasok ng mga variant ng COVID-19 na KP2 at KP3, na kabilang sa “FLiRT”.
Nagpaalala ang BOQ sa mga biyahero na kumpletuhin ang health questionnaire na makukuha sa e-travel app. Ang mga may mga senyales at sintomas ng COVID-19 ay pinayuhan din na pumunta sa home isolation.
Pinayuhan din nito ang general public na magsagawa ng mga basic health measures gaya ng madalas na paghuhugas ng kamay, pagsunod sa coughing etiquette, pag-iwas sa matataong lugar at pag-iwas sa pagkakaroon ng close contact sa mga taong may flu-like symptoms.
Una nang kinumpirma ng DOH na nakakapagtala sila ng bahagyang pagtaas ng COVID-19 cases ngunit tiniyak na hindi pa ito dapat na ikaalarma dahil nananatili pa ring nasa low risk classification sa virus ang lahat ng rehiyon sa bansa.
Tiniyak naman ni Domingo na ang mga COVID-19 shots na natanggap ng mga Pinoy ay may natitira pa ring bisa ngunit dapat na rin aniyang magkaroon ng bagong bakuna ang Pilipinas laban sa virus.
- Latest