Maliliit na negosyante, tulungan makaahon - Go

MANILA, Philippines — Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat tulungan ang maliliit na negosyante sa kanilang pagsisikap na maiangat ang maliit na negosyo sa gitna ng iba’t ibang hamon sa ekonomiya.

Nagsagawa kamakailan ang Malasakit Team ni Go ng relief activity para sa mga nahihirapan na may-ari ng maliliit na negosyo sa Masbate City noong Biyernes.

Nakipagtulungan ang opisina ni Go kay Mayor Socrates Tuason at Provincial Board Member Allan Cos para magbigay ng suporta sa mga kwalipikadong benepisyaryo. Sinuportahan din ni Congresswoman Ara Kho ang inisyatiba.

Tinulungan ni Senator Go ang nasa 28 benepisyaryo na nakatanggap ng ayuda mula sa kanyang Malasakit Team.

Samantala, nakipagtulungan si Go sa pambansang pamahalaan upang magbigay ng sustainable livelihood assistance na maaaring makatulong sa kanila sa pagsisimula ng mga bagong negosyo.

Sa kanyang mensahe, itinampok ni Go ang Republic Act 11960, kilala rin bilang One Town, One Product (OTOP) Act na kanyang co-sponsored at isa sa mga may-akda sa Senado. 

Ang programang OTOP ay nagtataguyod ng pambansang pagmamalaki sa mga produktong gawang Pilipino habang nagbibigay sa maliliit na prodyuser ng mga pa­raan upang palawakin ang kanilang abot sa merkado. 

Sa pamamagitan ng pagtutok sa mga lokal na espesyalidad, ang programa ay naglalayong itaas ang kabuhayan ng mga komunidad at mag-ambag sa pangkalahatang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Show comments