MANILA, Philippines — Sa halip na diborsiyo, nais ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na isulong ang mura at accessible na annulment.
“Ang personal stand ko ay ito: mas nais kong palawakin at affordable at accessible ‘yung annulment na nasa family code natin ngayon,” ani Escudero.
Ginawa ni Escudero ang pahayag kasunod ng pag-apruba ng Kamara kamakailan sa ikatlo at huling pagbasa ng panukalang batas na naglalayong gawing legal ang diborsyo sa Pilipinas.
Ayon kay Escudero, ang pagpapabuti sa proseso ng annulment ay maaaring gawin sa iba’t ibang paraan, lalo na sa pagpayag sa mga abogado mula sa Public Attorney’s Office (PAO) na tanggapin ang mga naturang kaso.
Dagdag pa niya, idineklara ng Supreme Court (SC) na hindi na kailangan ng psychologist para patunayan ang psychological incapacity.
Panghuli, ay para sa Kongreso na malinaw na tukuyin kung ano ang maaaring ituring bilang psychological incapacity.
Sinabi ni Escudero na depende pa rin ito dahil hindi pa niya nababasa ang bersyon ng Kamara ng divorce bill at ang divorce ay may “wide spectrum of definitions”.
Nang tanungin tungkol sa tyansa ng panukalang batas sa Senado, sinabi ni Escudero na itinuturing niyang personal na boto ng konsensya ang diborsyo.