MANILA, Philippines — Isa sa mga barkong pandigma na lumubog noong World War II ang nadiskubre sa Dasol Bay, Pangasinan.
Nabatid na nadiskubre ang lumubog na USS Harder (SS-257) ng The Lost 52 Project, ang organisasyon na kasalukuyang may misyon na hanapin at alalahanin ang 52 US submarines na nawala noong Ikalawang Pandaigdigang Digmaan.
Sinasabing ang Harder ang may pinakamaraming napalubog na enemy warship.
Kinumpirma ng Naval History and Heritage Command ang nadiskubreng wreck site.
Napag-alaman na sa pinakahuli nitong misyon, nakaharap ng Harder at ng dalawa pang ibang submarine ang Japanese escort vessels sa Dasol Bay sa Pangasinan noong August 1944.
Nakompleto ng Harder submarine ang anim na patrol sa loob lamang ng isang taon bago ito huling nakita sa karagatan ng Luzon. Sa ikalima nitong patrol, napalubog ng Harder ang tatlong Japanese destroyer at napinsala ang dalawa pang iba, sa loob lamang ng apat na araw.
Pinaniwalaang lumubog ang Harder matapos ang pag-atake ng escort ship CD-22.
Dineklara ng US Navy na nawala ang Harder noong January 1945, mayroon itong 79 na mga crew.
Sa limang war patrol nito, napalubog ng Harder ang nasa 17 enemy vessels. Tumanggap ito ng Presidential Unit Citation at anim na battle stars.
Ang kapitan nito na si Samuel Dealey ay apat na beses na nakatanggap ng Navy Cross at nabigyan ng posthumous award na Medal of Honor.
Nasa 11 US Navy submarine ang pinaniniwalaang lumubog sa mga karagatan ng Pilipinas noong World War II.