Chiz: ‘PDEA leaks’ ‘di dahilan ng pagsipa kay Zubiri
MANILA, Philippines — Itinanggi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ang imbestigasyon sa kontrobersiyal na “PDEA leaks” na nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at aktres na si Maricel Soriano sa umano’y paggamit ng iligal na droga ang dahilan ng kudeta laban kay Sen. Juan Miguel Zubiri bilang lider ng Senado.
Para anya patunayan na walang kinalaman ang PDEA leaks sa pagsipa kay Zubiri, sinabi ni Escudero na hahayaan niya si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na ituloy ang imbestigasyon ng kanyang komite.
Una umanong inakala ni Dela Rosa na siya ang sisihin sa pagpapalit ng liderato sa Senado.
“Kaya nga naging emotional si Sen. Bato, siya raw ang dahilan kung bakit natanggal…sabi ko sa kanya eh di sana ikaw na lang ang aming tinanggal bakit si Senate President (Zubiri) pa. Dumami pa ang nasaktan humaba pa sana ikaw na lang, pero hindi po ‘yan ang dahilan,” sabi ni Escudero sa panayam sa DZBB.
Sa kabila nito, hindi naman binunyag ni Escudero ang dahilan ng paglagda ng 15 senador na nananawagan sa pagbabago ng liderato sa Senado.
- Latest