MANILA, Philippines — Umaabot sa P8 milyon halaga ng mga non food items ang naipamahaging tulong ng Office of Civil Defense (OCD) sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batanes.
Ayon kay Civil Defense Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, kailangan na handa na ang nasabing lalawigan sa inaasahang epektong dulot ng papalapit na La Niña.
Kasama ni Nepomuceno sa pamamahagi sina Deputy Administrator, Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, OCD Cagayan Valley Regional Director Leon DG Rafael, at OCD Central Director Jekeeren Joy Casipit.
Tinanggap naman ni Governor Marilou Cayco ang mga nasabing tulong sa isinagawang turnover ceremony sa Batanes State College.
Kabilang sa tulong na ibinigay ng OCD ay pitong generator sets na magagamit sa tuluy-tuloy na operasyon sa sandaling mawalan ng suplay ng kuryente bunsod ng malalakas na bagyo at mga pag-ulang dala ng La Niña.
Bukod sa generator sets, ipinaabot din ng OCD ang family packs, shelter repair kits, hygiene kits, gayundin ay mga lubid na inaasahang makatutulong sa may 400 pamilya.
Kasunod nito, nagpulong din ang OCD gayundin ang mga alkalde sa lalawigan para talakayin ang iba pang mga hakbang upang paghandaan ang La Niña sa kanilang lugar.
Nakipagpulong din si Nepomuceno sa municipal mayors ng Batanes at tinalakay ang iba’t ibang DRRM concerns sa kani-kanilang nasasakupan.