MANILA, Philippines — Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ngayong Martes ang dahan-dahang pagbabalik ng school calendar patungo sa tradisyunal nitong pagbubukas, ito matapos ireklamo para sa sari-saring dahilan.
Dahil dito, magsisimula ang school year 2024-2025 mula ika-29 ng Hulyo ngayong taon at magtatapos ika-15 ng Abril sa susunod na taon. Alinsunod ito sa DepEd Order 3 s. 2024 na pinirmahan ng Department of Education (DepEd).
Related Stories
Bahagi ito ng "gradual" na pagbabalik ng school year patungong Hunyo hanggang Marso taun-taon, paliwanag ng Presidential Communications Office.
Habaan ang school days
Una nang nagpulong sina Marcos at Bise Presidente Sara Duterte, na siya ring kalihim ng DepEd, para pag-usapan ang dalawang "options" para maibalik ang school calendar sa dati nitong pagbubukas at pagtatapos.
Kabilang na rito sa mga inilatag ni Duterte para mapagpilian ang sumusunod:
- 182 school days na may 15-day in-person Saturday classes
- 162 school days na walang in-person Saturday classes
Parehong magtatapos ang mga naturang options sa ika-31 ng Marso, 2025. Sa kabila nito, sinabi ni Marcos na masyadong maiksi ang ikalawa na maaari raw makaapekto sa pagkatuto ng mga bata.
Ayaw din ng presidente na papasukin ng Sabado ang mga estudyante para lang makumpleto ang 182-day school calendar dahil posibleng makaasama raw ito sa kanila't magdulot ng mas malaking gastusin.
"Habaan lang natin ‘yung school days. Para matagal, dagdagan na lang natin ‘yung school days basta huwag natin gagalawin ‘yung Saturday," ani Marcos.
"So, school day will remain the same. Standard lang."
Matatandaang lumabas sa survey ng Alliance of Concerned Teachers noong 2023 na 67% ng mga guro ang nakararanas ng "intolerable heat" sa silid-aralan tuwing Marso, bagay na panahon na ng tag-init. Aniya, nakaaapekto rin daw ito sa pagbaba ng atensyon at pagtaas ng estudyanteng lumiliban.