MANILA, Philippines — Ganap nang low pressure area (LPA) ang sinusubaybayang sama ng panahon ng PAGASA ngayong Miyerkules, bagay na tatawaging "Aghon" kung sakaling lumakas pa't maging bagyo.
Ito ang idinetalye ni PAGASA weather specialist Loriedin dela Cruz sa ika-172 Climate Forum ng state weather bureau ngayong Miyerkules. Bandang 8 a.m. nang mamataan ito 1,255 kilometro timogsilangan ng Mindanao.
Related Stories
"It may enter the Philippine area of responsibility tonight or tomorrow morning," ani Dela Cruz kanina.
"Puwede rin siyang mag-landfall sa area sa pagitan ng Bicol Region and Eastern Visayas by late Friday or sa weekend, Saturday, bilang isang LPA po siya."
Dagdag pa ni Dela Cruz, maaari itong lumitaw sa katimugan silangan ng Luzon matapos makalapit sa kalupaan.
Hindi rin tinatanggal ng PAGASA na lalo pa itong lumakas at maging isang ganap na bagyo. Gayunpaman, hindi aniya malaki ang probability nito.
"May possibility na ma-develop ito into a tropical depression by then. So around Sunday po 'yan or by Monday," dagdag pa ni Dela Cruz.
"Second scenario po niya, kapag nag-weaken 'yung [tropical] ridge dito po sa eastern part of the country... 'yung [LPA] may instead recurve. So mas magre-recurve pa siya over the Philippine Sea near the Bicol-Region-Eastern Visayas and pwede itong ma-develop into tropical depression by Friday or Saturday."
Dahil dito, mas malaki ang posibilidad na maging bagyo ito kung manatili ito nang mas matagal sa coastal waters.
Below average na bilang ng bagyo
Sa taya naman ni PAGASA senior weather specialist Rusy Abastillas, maaaring makaranas ng isa hanggang dalawang bagyo sa loob ng PAR sa paparating na Hunyo 2024.
"For now, June to November we are expecting 10 to 13 na tropical cyclones," dagdag pa ni Abastillas.
"Kung titignan natin itoito, since wala pa kahit isa... below average na 'yung ating bagyo this year."
Mababa ang bilang na ito lalo na'y karaniwang umaabot ng hanggang 20 bagyo taun-taon sa Pilipinas.
Posibleng mag-landfall sa kalupaan ng Pilipinas ang mga bagyong tumatawid sa Katimugang bahagi ng Luzon at hilagang-silangang bahagi ng Visayas ngayong Hunyo 2024 kung titignan ang mga climatological tracks.
Una nang sinabi ng PAGASA na maaaring magtapos ang nararanasang El Niño ngayong Hunyo. Pinatataas ng naturaang phenomenon ang posibilidad ng below-normal rainfall conditions.
Martes lang nang ibalita ng Department of Agriculture na lumobo na sa P9.5 bilyon ang pinsalang itinamo ng El Niño sa sektor ng agrikultura.