12K Pinoy namamatay sa road accidents kada taon
MANILA, Philippines — Umaabot sa average na 12,000 Pinoy ang namamatay dahil sa aksidente sa kalsada kada taon.
Sa isang public briefing, sinabi ni Health (DOH) Spokesperson Albert Domingo na kalimitang banggaan, sagasa at mga gumagamit ng bisikleta at motorsiklo ang dahilan ng pagkamatay ng mga biktima.
“Every year, on average, nasa mga 12,000 na Pilipino ang namamatay dahil sa banggaan, dahil sa pagtawid na nasasagasaan, at ang gumagamit ng motorsiklo, bisikleta, at pati ‘yung mga sumasakay sa tricycle,” ayon kay Domingo.
Iniulat din naman ni Domingo na ang mga road traffic deaths sa bansa ay tumaas pa mula 7,938 noong 2011 at naging 11,096.
Karamihan o 84% aniya ng mga biktima ay pawang lalaki.
Ang road accidents din ang itinuturing na pang-walo sa pangunahing dahilan ng pagkamatay sa buong mundo.
Sinabi pa ni Domingo na ang nais ng DOH ay mapaghusay at gumanda ang awareness, understanding, at attitude ng mga mamamayan tungo sa road safety.
Target rin aniya nilang mabawasan ang road traffic deaths ng 35% pagsapit ng 2028, sa pamamagitan ng Philippine Road Safety Action Plan at ng Inter-Agency Technical Working group on active transport.
“Ang vision natin is actually a Philippine society with zero deaths on the road,” aniya pa.
Pinayuhan din niya ang publiko na maging maingat at maglakad na lamang sa halip na sumakay ng behikulo kung malapit lang naman ang kanilang pupuntahan at kung maganda naman ang lagay ng panahon.
Nabatid na ginugunita ng DOH ang Road Safety Month ngayong Mayo.
- Latest