MANILA, Philippines — Sa kawalan ng anumang malinaw na pagpapatupad ng mga batas at alituntunin para sa ekonomiya at kapaligirang seguridad ng Pilipinas sa mga pinagtatalunang teritoryo na inaangkin ng China, sinabi ni Senator Francis Tolentino na ang Maritime Zones Act, kapag naisabatas, ay magiging isang matapang na pahayag para sa bansa, “Atin ito!”
Sinabi ni Tolentino, pangunahing tagapagtaguyod ng Senate Bill 2492 o Philippine Maritime Zones Act na nagkakaisang inaprubahan sa plenaryo noong Pebrero, na ang kanyang panukalang batas ay magtatatag ng “claims and bounds of entitlements” at magtatakda ng malinaw na legal parameters para sa ating navy at coastguard sa pagprotekta sa ating maritime domain, kabilang ang resources sa ilalim ng tubig na umaabot sa trilyong piso.
Tinukoy sa Administrative Order no.29 ni dating Pangulong Aquino, ang West Philippine Sea, na pinaniniwalaang sagana sa yamang dagat, gayundin ng langis at gas, ay sumasaklaw sa mga pinagtatalunang lugar sa kanluran ng kapuluan ng bansa.
Kabilang dito ang Luzon Sea, Kalayaan Island at Scarborough Shoal na lokal na mas kilala bilang Bajo De Masinloc.
Sinabi ni Tolentino, chairman ng Senate special committee on maritime and admiralty zones, na ang pagkakaroon ng bansa ng maritime zones law ay hindi lamang makatutulong sa mga institusyon ng gobyerno sa paggamit ng tinatawag na blue economy potential, bagkus ay magpapalakas din sa ating claim sa territorial disputes, kasama na rin ang paghahabol sa Sabah.