MANILA, Philippines — Binisita ng ilang senador at miyembro ng gabinete ang Pag-asa Island sa pag-asang mapatataas nito ang morale ng mga kasundaluhan at pulis sa pinag-aagawang teritoryo sa loob ng South China Sea.
Ito ang ibinahagi ni Sen. JV Ejercito sa ngayong Biyernes habang pumo-posing kasama sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Majority Leader Sen. Joel Villanueva at Defense Secretary Gibo Teodoro.
Related Stories
"Nakakatindig-balahibo na ang lalapit lamang ng mga 20 Chinese militia vessels at dalawang malaking China Coast Guard Vessels sa Pag-asa Island," ani Ejercito sa pagbisita nila kahapon.
"Maging ang Zubi reef kung saan ang base militar na ginawa ng Tsina ay tanaw na tanaw din."
Layunin aniya ng kanilang pagbisita ang pagbibigay ng "morale boost" sa mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard, Philippine National Police at Bureau of Fire Protection.
Nagkaroon din ng briefing ang mga senador at kalihim sa sitwasyon sa isla mula mismo sa AFP. Nangyayari ito matapos ang serye ng panggigipit ng Tsina sa mga Pilipino sa West Philippine Sea sa porma ng pamamangga, pambobomba ng tubig at radio challenges.
'Hindi tayo pasisiil'
Ang Pag-asa (Thitu) Island ay matagal nang pinamamahalaan ng Pilipinas sa ilalim ng gobyerno ng Kalayaan, Palawan. Sa kabila nito, kine-claim din ito ng sari-saring bansa gaya ng Tsina, Taiwan at Vietnam.
Bagama't tinawag ni Ejercito na bahagi ng West Philippine Sea ang Pag-asa Island, matatagpuan ang isla 280 nautical miles hilagangkaanluran ng Puerto Princesa.
Ang West Philippine Sea ay tumutukoy lang sa bahagi ng South China Sea na nasa loob ng 200 nautical exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas alinsunod sa Administrative Order No. 29, s. 2012 ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Ang lugar na ito ay inaangkin din ng Tsina kahit binalewala na ng Permanent Court of Arbitrtion aang nine-dash line claim sa halos kabuuan ng South China Sea.
"We will continue to protect our territorial integrity and uphold our sovereignty! Hindi tayo kailanman pasisiil! Mabuhay ang Pilipinas!"