MANILA, Philippines — Kinastigo ng grupong Karapatan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos itangging iniuugnay ng gobyerno ang kung sinu-sinong personalidad sa armadong rebelyon ng mga komunista.
Huwebes kasi nang sabihin ni Marcos na wala siyang planong lusawin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) matapos ideklara ng Korte Suprema bilang "banta sa buhay, kalayaan at seguridad" ang red-tagging.
Related Stories
"No matter how much he tries, however, Marcos Jr. cannot wash his hands of responsibility for the escalating violations of human rights and international humanitarian law consequent to the NTF-ELCAC’s red-tagging mania," wika ng Karapatan ngayong Biyernes.
"As commander-in-chief, Marcos Jr. chairs the NTF-ELCAC and approves the counter-insurgency doctrines that drive the agency’s frenzied red- and terror-tagging."
Una nang sinabi ng Supreme Court na nagagawa ng red-tagging itransporma ang isang tao bilang target ng vigilante, paramilitary groups o kahit mga ahente ng gobyerno. Dahil dito, madali aniyang matindihan kung bakit maaaring matakot para sa kanyang buhay ang mga nare-red tag.
Kaugnay niyan, maaaring magpetisyon ng Writ of Amparo ang mga nare-red-tag upang mabigyan ng mga proteksyon. Ilan sa maaaring ibigay matapos ang petisyon ang temporary protection order, inspection order, production order at witness protection order.
"Marcos Jr. can deny the truth all he can. But the Filipino people and the world see through his lies and his hypocrisy," patuloy ng Karapatan.
'Hindi dapat lusawin'
Kahapon lang nang sabihin ni Bongbong na walang dahilan para i-abolish ang NTF-ELCAC sa gitna ng bagong SC ruling at panawagan ng mga progresibong grupo.
"Wala naman dahilan kung bakit natin tatanggalin 'yan. Ang sinasabi dahil meron daw red-tagging na ginagawa. Hindi naman gobyerno ang gumagawa noon eh. Kung sinu-sinong iba ang gumagawa noon," sabi niya.
"Malaki ang naging epekto dito sa pagbawas ng mga internal security threaat dahil diyan sa NTF-ELCAC. Ang pinakamabilis na sagot diyan ay no, hindi namin ia-abolish 'yang NTF-ELCAC."
Dagdag pa ng presidente, imbis na labanan ng gobyerno ay tinutulungan pa nga raw ngayon ng pamahalaan ang mga dating miyembro ng Communist Party of the Philippines - New People's Army - National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP) na nagbabalik-loob.
Dagdag pa ni Bongbong, "tatapusin" ng gobyerno ang layunin ng NTF-ELCAC lalo na't may ilang barangay at rebel returnees na hindi pa nabibigyan ng tulong.
NTF-ELCAC at red-tagging
Una nang sinabi ng Karapatan na dumanas ng extrajudicial killings ang mga sumusunod na aktibista matapos ma-red-tag:
- Zara Alvarez
- Jory Porquia
- Bernardino Patigas Sr.
- Atty. Benjamin Ramos
- maraming pang iba
Matatandaang iprinesenta ng NTF-ELCAC bilang "voluntary surrenderees" ang environmental activists na sina Jonila Castro at Jhed Tamano noong Setyembre 2023. Gayunpaman, ibinulgar ng dalawang dinukot sila ng militar at pinagbantaan ang buhay.
Matagal nang iniuugnay ang kontrobersyal na task force sa mga kampanya ng red-tagging, hindi lang sa mga aktibista ng kaliwa ngunit pati mga kritiko ng gobyerno't artista. Dati na itong ginawa kina Angel Locsin, Liza Soberano at Catriona Gray.
Pebrero 2024 lang nang udyukin ni UN Special Rapporteur on Freedom of Expression and Opinion Irene Khan ang gobyernong maglabas ng executive order laban sa red-tagging, maliban pa sa tuluyang pagbubuwag ng NTF-ELCAC.