MANILA, Philippines — Muling nagprotesta kahapon sa tanggapan ng Korte Suprema ang mga drivers at operators na pawang miyembro ng mga transport groups na PISTON at Manibela upang humiling ng temporary restraining order (TRO) laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Ang protesta ay ginawa ng grupo bilang huling baraha kasunod nang pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairperson Teofilo Guadiz na sa Mayo 16 ay sisimulan na ng mga awtoridad na manghuli ng mga kolorum na jeepneys na bigong makapag-consolidate ng prangkisa hanggang noong Abril 30.
“Sa ating Korte Suprema, ‘wag tayong mag-bingi-bingihan, ‘wag tayo mag-bulag-bulagan, tingnan natin ang nakakarami, ang higit na nakakarami na mamamayang Pilipino na ngayon ay naghihikahos,” panawagan ni Manibela president Mar Valbuena, na isa sa mga nanguna sa protesta.
Humiling din si Valbuena sa Korte Suprema na magtakda ng oral arguments upang mabigyan sila ng pagkakataon na maipakita ang kanilang mga puntos laban sa PUVMP.
Sa ngalan ng mga jeepney drivers at operators na maaapektuhan ng programa, patuloy ring umaapela si Valbuena kay Pang. Ferdinand Marcos, Jr. na pakinggan ang kanilang kahilingan.
Sa panig naman ni PISTON deputy secretary general Bong Baylon, sinabi nito na kailangan nang suspindihin ang PUVMP dahil marami na aniya ang nagpatotoo na ang programa ay palpak.
Ayon kay Baylon, nagkakandalugi na ang mga drivers at operators at wala rin aniyang mga piyesa at mahihina ang mga modernong sasakyan na kinuha ng mga ito.
Una nang sinabi ng pamahalaan na ang mga PUVs na hindi nag-aplay ng konsolidasyon ay ikukonsidera na nilang ilegal o kolorum at hindi na papayagan pang makapamasada.
Babala ng LTFRB, ang mga kolorum na sasakyan ay kanilang i-impound at ang operator nito ay papatawan ng P50,000 multa.