MANILA, Philippines — Dahilan umano sa kapalpakan ng power generation kaya nagkaroon ng maraming yellow at red alerts mula 2016 hanggang 2023 sa bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Energy nitong Martes, iprinisinta ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na 226 mula sa kabuuang 234 system na yellow at red alerts ay nasa 96.6% ang sanhi ng isyu sa generation tulad ng hindi planadong emergency shutdown.
Ang Luzon at Visayas ay nailagay sa yellow at red alerts mula Abril 16 matapos na maraming mga power plants ang nagsagawa ng planado at hindi planadong shutdown, ayon sa NGCP.
Tinukoy dito na sa Luzon ay nasa 8 power plants ang nagsagawa ng planadong shutdown, 30 dito ay hindi planado habang 3 naman ang nag-operate pa rin pero nabawasan ang kapasidad. Sa Visayas Region, 10 planta naman ang planado ang shutdown, 17 ang hindi planado at tatlo ang bawas rin ang kapasidad sa supply.
Sa kabuuan ay 90% naman sa mga planta ang nagsagawa ng hindi planadong shutdown habang 10 ang planadong outages o brownout.
”Everyone is in agreement na ang problema ay supply. Hindi natin lubos maisip, it’s been how many decades already, palaging meron pa ring problema sa kuryente,” saad ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Chairperson ng House Committee on Energy.
“Due to modern times, advent of technology, kasama na talaga ang enerhiya sa basic needs. Kailangan nating maayos ito. We are looking forward na wala na tayong red and yellow alerts. Kaya taun-taon nagpapatawag ng imbestigasyon sa both Houses,” giit pa nito.
Binigyang diin naman ni Velasco ang kabiguan ng DOE at Energy Regulatory Commission (ERC) na parusahan ang mga planta na nabigong mag-deliver ng kailangang output sa takdang oras na nagbunsod sa isyu ng supply sa elektrisidad.