50-anyos na Kabitenyo kinubra P46-M jackpot prize ng Megalotto 6/45

Litrato ng 50-anyos na manggagawa matapos kubrahin ang mahigit P46 milyong lotto jackpot
Released/PCSO

MANILA, Philippines — Tinamaan ng isang manggagawa mula sa probinsya ng Cavite ang milyun-milyong pisong papremyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), bagay na binola noon pang ika-22 ng Abril.

Sa ulat ng PCSO ngayong Martes, sinabing tinayaan ng bagong milyunaryo ang sumusunod na numero: 33-17-40-09-42-20. Ang mga numero para sa Megalotto 6/45 ay kinuha niya raw mula sa kaarawan ng kanyang mga kapamilya.

"Kung hindi pupukpok, walang magagastos," kwento ng 50-anyos na mananaya tungkol sa kanyang buhay bilang construction worker.

"Salamat po! Hindi rin po ako magpapakita ng mga malaking pagbabago sa aking pamumuhay upang hindi ako mahalata ng aking mga kapitbahay."

Sinasabing 20 taon nang tumataya ang manggagawa sa lotto bago mapalanunan ang P46,011,957.80 lotto jackpot.

Pinayuhan naman ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang nabanggit na itabi ang parte ng napalanunan, o 'di kaya'y gamitin itong pamuhunan sa negosyo.

Pinaalalahanan naman ng ahensya ang publiko ang mga nananalo ng lotto na pirmahan ang likod ng kanilang winning ticket, bukod sa paghahanda ng dalawang valid government IDs.

Sa kabila nito, kinakailangang magbayad ng 20% tax ang mga nananalo ng papremyong lalampas sa P10,000 alinsunod sa TRAIN Law.

Merong isang taon ang mga nananalo para kubrahin ang kanilang napalanunan sa PCSO Main Office sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City, ayon sa Republic Act 1169.

Show comments