MANILA, Philippines — Haharap sa reklamong libelo at cyber libel ang ilang personalidad matapos diumano magkalat ng disinformation tungkol kay dating Sen. Sonny Trillanes IV, isa na rito ang sinasabing papel ng huli sa pagkawala ng Scarborough Shoal sa Pilipinas.
Ito ang ibinahagi ni Trillanes sa publiko sa isang tweet na ipinaskil ngayong Martes ng hapon.
Related Stories
"Ngayong araw na ito, tayo po ay nagsampa ng kasong libel at cyber libel sa Quezon City Prosecutor’s Office at sa National Bureau of Investigation laban kina Atty. Harry Roque, Vlogger Banat By, mga hosts ng SMNI, at mga pro-duterte trolls na patuloy na nagkakalat ng fake news sa iba’t ibang social media platforms laban sa akin," ani Trillanes.
Ngayong araw na ito, tayo po ay nagsampa ng kasong libel at cyber libel sa Quezon City Prosecutor’s Office at sa National Bureau of Investigation laban kina Atty. Harry Roque, Vlogger Banat By, mga hosts ng SMNI, at mga pro-duterte trolls na patuloy na nagkakalat ng fake news sa…
— Sonny Trillanes IV (@TrillanesSonny) May 14, 2024
Kabilang pa sa mga accounts na gustong masampolan ni Trillanes ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang sumusunod:
- Mr. Realtalker o Lods Chinito (may Tiktok handle na @chinitorealtalker at @chinitotisoy01)
- Melagin Nastor Evangelista o CATASTROPHE (may X handle na @gurlbehindthisb)
- JoeLas (may X handle na @j_laspinas)
- Michael Gorre o KampilaBoy (may X handle na @KampilanBoy)
Inireklamo ni Trillanes si Roque, na tagapagsalita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, matapos igiit na siya ang dahilan kung bakit nawala sa Pilipinas ang Scarborough Shoal.
"Wag mong kakalimutan Trililing. Matapos na ika’y magbalik-balik sa China, hindi lang nawala ang Scarborough Shoal. Nagsimula na ang problema natin sa Pilipinas, na para bagang binalewala na ng Pilipinas ang ating mga pag-aangkin sa karagatan at isla. Ikaw ang pumasok sa secret agreement," ani Roque sa isang video.
"Trililing, ikaw – ikaw ang pumasok sa secret agreement! Ikaw ang namigay ng teritoryo! Ikaw at ang pangulo mo ang dahilan kung bakit nawala ang Scarborough Shoal!"
Ang video na ito ay inilabas ni Roque sa kanyang opisyal na Facebook page kaugnay ng diumano'y gentleman's agreement ni Duterte sa Beijing kaugnay ng West Philippine Sea.
Una nang tinawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na "secret agreement" ang naturang usapan, bagay na maaari aniyang makaapekto sa soberanya ng Pilipinas lalo na't itinago raw ito sa mata ng publiko.
Ang mga komento ni Roque ay sinegunduhan ni Byron Cristobal o "Banat By," dahilan para madamay din sa reklamo.
Sa hiwalay na reklamo, sinampahan din ng reklamo sina Guillermina Lalic Barrido (Guillermina Arcillas), MK Mondejar, Admar Vilando, Ludevija Ayang, Marlon Rosete, at Swara Sug Media Corp. — bagay na kilala rin sa tawag na Sonshine Media Network International (SMNI) News International Channel.
Harry Roque: 'Bring it on!'
Hindi naman daw aaatras si Roque sa reklamong inihain ni Trillanes, ito habang sinasabing kontra sa malayang pamamahayag ang kanyang panghahabla.
"Bring it on! He who cannot fight in the free market place of ideas resort to the filing of libel cases!" ani Harry Roque, na isang abogado.
"By filing these cases, he has proven himself to be an enemy freedom of expression. Im hardly surprised as he has opted in the past to use brute force in five star luxury hotels rather than engage in democratic discourse."
"He says he was defamed when his role as back door negotiator with China resulted in our loss of Scarborough. But this is history. He was designated negotiator by then President [Noynoy] Aquino."
Dagdag pa ni Roque, kataka-taka rin aniya na hindi isinapubliko ni Trillanes ang mga napagkasunduan sa Beijing.
Aniya, tangka lang daw ito ni Trillanes upang mapalitan ang kasaysayan pabor sa kanya para aniya "makakuha ng atensyon para sa pagtakbo sa darating na eleksyon."
Isang buwan pa lang ang nakalilipas nang ipawalambisa ng Korte Suprema ang pagbasura ni Duterte sa amnestiya ni Trillanes, bagay na kaugnay pa rin ng 2003 Oakwood Mutiny at 2007 Manila Peninsula Hotel Siege. — may mga ulat mula kay Ian Laqui