MANILA, Philippines — Nagkasagutan sina Sen. Jinggoy Estrada at dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa sinasabing nag-leaked na dokumento na nagsasangkot sa ilang personalidad sa ilegal na droga.
Ipinanood sa pagdinig ang isang CCTV footage na isinumite ni Morales kung saan makikita ang pag-uusap nila ni Department of Justice investigation agent Romeo Enriquez.
Sa pag-uusap na iyon naka-speaker phone si Enriquez kung saan kausap ang isang “Eric Santiago” at sinusubukang pigilan si Morales na tumestigo sa Senado.
Kinuwestiyon ni Estrada ang mga kaso ni Morales at tinanong kung papaano makakasigurado na hindi edited ang video gayong kilala si Morales na may mga criminal records.
Halatang nainsulto si Morales sa sinabi ni Estrada sabay paalala na na-convict na ang senador.
“Parang ‘di naman po maganda ‘yung sinasabi ni Sen. Jinggoy Estrada, parang ako naman talaga hinuhusgahan. Eh ako, may kaso pa lang at ‘di pa napapatunayan sa hukuman, ‘di kagaya ng ating butihing senador ay na-convict na po. ‘Wag naman. po ganun,” ani Morales.
Matatandaan na pinawalang-sala ng Sandiganbayan si Estrada sa kasong plunder, ngunit napatunayang guilty siya sa isang count ng direct bribery at 2 counts ng indirect bribery dahil sa pagkakasangkot niya sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.
Sinabi ni Estrada noong panahong iyon na naguguluhan siya sa hatol na guilty at base information sheet, walang kasong bribery o indirect bribery na isinampa laban sa kanya.
“Alam mo, Mr. Morales, wag mo pakikialaman ‘yung kaso ko, problema ko ‘yun. ‘Yung kaso mo ang ayusin mo,” ani Estrada.
Namagitan naman si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at sinabihan si Morales na huwag kuwestyunin ang trabaho ni Estrada bilang senador at vice chairman ng komite.