MANILA, Philippines — Ibinunyag ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. na nagkakasya ang cellphone na may kasamang charger at tabako sa ari ng dalaw sa pagpupuslit papasok ng New Bilibid Prison (NBP).
Ang isa pang kakaibang pangyayari ay ang mismong person deprived of liberty (PDL) ang isinailalim sa emergency surgery nang hindi mailabas ang itinagong celphone sa loob ng tatlong araw na itinago sa puwet.
Sa pahayag ni Catapang noong Biyernes, nadiskubre ang cellphone nang mag-ring umano habang nasa loob ng anus at ‘di nagawang idumi.
“Kaya nga nung minsan po..nag-farming ..may nag-abot sa kaniya ng cellphone sa mismong PDL po, itinago sa anus, tatlong araw na ‘di mailabas ‘yung cellphone, inoperahan na po kasi makakamatay ‘yun,” ani Catapang.
Ang panayam kay Catapang ay kaugnay sa reklamong inihain ng dalawang maybahay ng political prisoners sa Commission on Human Rights (CHR). Agad ring sinibak sa pwesto ang pitong tauhan ng BuCor upang bigyang-daan ang isinasagawa nilang imbestigasyon.
Aniya, nangyayari ang pagpasok ng mga kontrabando kabilang din ang iligal na droga, sa pagbisita at kadalasang sa conjugal visit.
“Maniwala ka man o hindi, ang tabako, mga cell phone, mga charger, at maging ang mga hearing aid ay naipuslit. Ito ay nangyayari sa mga pagbisita sa conjugal, kung saan nagaganap ang mga palitan,” sabi ni Catapang.
Karaniwan, ani Catapang, na ang mga babaeng dalaw ay nahuhulihan sa mga strip at cavity search na isinasagawa ng random.
Umabot na sa 19 ang insidente na nakasamsam ng kontrabando sa “genital parts” at 15 insidente ng pagkumpiska ng iligal na droga at iba pang kontrabando tulad ng itinatahi ito sa loob ng kasuotan.
Ito aniya ang dahilan kaya nais niyang magkaroon ang BuCor ng body scanner na makikita ng lahat ng itinago sa katawan nang walang body contact.
Noong Biyernes nang ipatigil muna ni Catapang ang pagpapatupad ng strip at cavity search habang wala pang rekomendasyon sa gagawing pagrepaso ng CHR sa protocol ng BuCor para sa mga dalaw.