DSWD gusto i-'adjust' 4Ps cash grants sa gitna ng paglobo ng inflation
MANILA, Philippines — Nakikipagtulungan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa iba't ibang ahensya ng gobyerno para malaman ang mga tamang batayan sa "automatic adjustment" ng cash grants sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ito ang ibinahagi ni Social Welfare spokesperson Irene Dumlao, Huwebes, matapos tumaas ang inflation rate sa 3.8% dala ng mabilis ng paglobo ng presyo ng bilihin lalo ng pagkain at transportasyon.
"I would like to reiterate what DSWD Secretary Rex Gatchalian said that adjusting the cash grants of 4Ps beneficiaries is not just timely but that it also preserves the value of the grants," ani Dumlao sa isang pahayag.
"Part of the directive of the President is for the DSWD, NEDA and PSA to come up with a proposal to ensure that the cash grants are responsive to present socio-economic conditions and automatically adjusted even without legislation."
Ang 4Ps ay isang stratehiya ng gobyerno sa "pagpapababa ng kahirapan" habang namumuhunan aniya sa mga mamamamayan. Meron itong 4.4 milyong benepisyaryong pamilya sa buong Pilipinas.
Sa ilalim nito, binibigyan ng pera ang mga benepisyaryo sa tuwing sumusunod silaa sa mga kondisyones gaya ng pagpapapasok ng anak sa eskwelahan, pagpapa-check up sa kanila sa health centers at pagdalo sa buwanang family development sessions.
Narito ang mga ibinibigay na cash grants ng gobyerno sa mga kwalipikadong pamilya 10 buwan sa isang taon sa bisa ng Republic Act 1130 o 4Ps Act:
- P300/buwan para sa kada anak na maie-enroll sa daycare o elementarya
- P500/buwan para sa kada batang ine-enroll sa junior high school
- P700/buwan para sa kada batang ine-enroll sa senior high school
- P750/buwan para sa health and nutrition grants ng pamilya
- P650/buwan para sa rice assistance
Pero dahil sa pagtaas ng presyo ng bilihin, lumiliit din ang tunay na halaga ng pera. Kumokonti kasi ang nabibili ng parehong halaga.
Ngayong 2024 lang nang atasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DSWD, National Economic Development Authority (NEDA) at Philippine Staatistics Authority (PSA) para aralin ang kasalukuyang halaga ng cash assistance na ibinibigay sa mahihirap upang maging mas responsive ito sa economic shocks.
Matagal nang pinupuna ng mga progresibo ang 4Ps program bilang "band-aid solution" o "panandaliang limos" sa kahirapan ng publiko. Aniya, kapos ito at hindi pa rin maihahambing sa benepisyo ng direktang pagbibigay ng trabaho, industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa.
- Latest