MANILA, Philippines — Mahigit 1,000 indibidwal ang sumugod sa tanggapan ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Malate, Maynila kahapon ng umaga upang kolektahin ang tig-P1 milyong umano’y nag-matured na account na ‘Kayamanan ng Pilipinas’ na ipinangako sa kanila noon pang 1987.
Ang mga naturang indibidwal ay dumating sa Gate 3 ng BSP sa Mabini St. kanto ng P. Ocampo St. sa Malate dakong alas-8:40 ng umaga at pumila sa pag-aakalang mayroon silang maki-claim na pera.
Nagmula pa umano sila sa Regions 1, 2 at 4A at nangutang lang ng pamasahe upang makarating sa BSP dahil sa pag-asang mailalabas na kahapon ang trilyun- trilyong halaga ng pera na nakatago sa BSP para ipamahagi sa taumbayan.
Demand pa ng grupo sa BSP na ilabas na nila ang “Kayamanan ng Pilipinas.”
Ipinaliwanag ni Nobel Gilbert Langres, tagapagsalita ng grupo, na ang naturang pera na kanilang kinukuha ay ipinatago sa BSP noon pang 1987.
Ayon kay Langres, nag-matured na umano ang mga account na inisyu sa isang ‘Danilo’ noong 2005 kaya nararapat na ibalik na ito sa taumbayan.
Aniya pa, alinsunod sa Konstitusyon, may karapatan sa naturang pera ang mga mamamayan.
Pinakiusapan naman ng mga kinatawan ng BSP at Manila Police District (MPD) ang mga ‘claimants’ na magsiuwi na lamang.
Nagpahinuhod naman ang mga ito at kusang nag-disperse dakong alas-2 ng hapon nang pangakuan ng mga pulis na ipaaabot sa mga opisyal ng BSP ang dala nilang liham.
Mariin namang itinanggi ng grupo na sila ay nagsasagawa ng kilos-protesta dahil sila umano ay mga claimant lamang ng pera ng taumbayan.