MANILA, Philippines — Nanawagan si Senator Francis ‘Tol’ Tolentino para sa agarang pag-upgrade ng maritime fleet ng ating bansa.
Ang pahayag na ito ni Tolentino ay kasunod ng privilege speech ni Senate Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros na nananawagan na imbestigahan ang umano’y gentleman’s agreement sa pagitan ng nakaraang administrasyong Duterte at ng gobyerno ng China.
“Kaya tayo kinakawawa ng China, kulang ang ating kagamitan lalo na sa karagatan. Ang kulang satin ay submarines,” ayon sa senador.
Binanggit ni Sen. Tolentino si Isaac Peral, ang imbentor ng Peral submarine na inilunsad noong 1888, na minsang nanirahan at namatay sa Pilipinas.
Ang nasabing submarine ay nagpapatrolya pa rin sa mga karagatang ginagamit ng NATO forces.
“It’s about time na i-upgrade natin ang ating fleet, lalo na ang ating Philippine Navy,” sabi ni Tolentino.
Sa kabilang banda, sinabi ni Sen. Koko Pimentel na mas mabuting bumili ng karagdagang mga service vessel sa halip na submarino dahil aniya sa potensyal na malaking gastusin dito.
Gayunman bilang tugon, sinabi ni Sen. Tolentino kung ano ang mga estratehikong halaga ng submarino.
Binigyang-diin niya ang kakayahan nitong gumana nang hindi nade-detect sa ilalim ng karagatan.
Aniya pa, namuhunan na sa mga submarino ang ibang bansa gaya ng Cambodia at Indonesia.