Bamban mayor itinanggi na protektor ng POGO
MANILA, Philippines — Itinanggi ni Bamban Mayor Alice Guo na protektor siya ng Philippine Offshore Gaming Operator (Pogo) na sinalakay ng mga awtoridad noong unang bahagi ng Marso dahil sa kaso ng human trafficking at serious illegal detention.
Sa pagharap sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros, sinabi ni Guo na hindi siya konektado o tagapagtanggol ng Zuan Yuan Technology Inc.
“Una sa lahat, hindi ako konektado sa Pogo, hindi ako operator, at hindi ako tagapagtanggol ng Pogo. Wala akong kaugnayan sa anumang operasyon o aktibidad sa loob o labas ng POGO,” ani Guo.
Una nang ibinunyag ni Senador Win Gatchalian ang diumano’y kaugnayan ni Guo sa kompanya, sinabing nakahanap ang mga awtoridad ng billing statement mula sa Tarlac II Electric Cooperative (TarelCo) Inc. na nagpapakita na ang metro ng kuryente ni Zun Yuan ay nakarehistro sa ilalim ng pangalan ni Guo.
Sinabi ni Guo na mayroon siyang dokumento na magpapatunay na siya ang nag-aplay para sa temporary connection ng elektrisidad para sa buong compound at posibleng hindi na naalis sa kanyang pangalan sa dokumento ng TarelCo.
Para naman aniya sa Ford Expedition na nakita sa loob ng property at nakapangalan sa kanya, ipinaliwanag ni Guo na matagal na niyang naibenta ang nasabing sasakyan.
“At wala ring katotohanan na pagmamay-ari ko po kahit isang villa sa compound at ni minsan ay hindi ako natulog doon,” dagdag ni Gauo.
- Latest