Walang ganyang kasunduan - Gibo
MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ni Defense Secretary Gilbert Teodoro, Jr. ang umano’y pagkakasangkot ng Department of National Defense sa kasunduan sa China hinggil sa “new model” sa Ayungin Shoal.
Ito’y matapos sabihin ng Chinese Embassy na nakipagkasundo ang Armed Forces of the Philippines Western Command sa China sa tinatawag na “new model” para sa pamamahala sa sitwasyon sa Ayungin Shoal.
Ani Teodoro, isa itong “charade” upang bigyang-katuwiran ang iligal na presensiya nito sa West Philippine Sea (WPS).
Sa katunayan, ilang araw matapos siyang maupo bilang Defense chief noong Hulyo 2023, hindi niya pinahintulutan ang anumang ugnayan sa pagitan ng DND at ng Chinese Embassy mula noong mag-courtesy call si Ambassador Huang Xilian.
“During the said courtesy call, there was no discussion or briefing on any ‘gentleman’s agreement’ or ‘new model’, which is contrary to the Chinese Embassy’s pronouncements,” ani Teodoro.
Nilinaw ni Teodoro na wala silang partisipasyon sa sinasabing ‘new model’ at nakakapagtaka na lumabas ang isyu matapos ng SQUAD meeting sa Honolulu sa Hawaii.
Sabi pa ni Teodoro, ang “new model” claim ay malinaw na pagtatangka ng China na isulong ang isa pang “kasinungalingan” upang hatiin ang mga Pilipino at mawala ang pansin sa kanilang labag sa batas na presensiya at mga aksyon sa exclusive economic zone ng Pilipinas.
“We advise our citizens, the media, and the international community to beware of China’s methods of manipulation, interference, and malign influence in furthering its own interests,” dagdag pa ng DND chief.
Una na ring itinanggi ni National Security Adviser Eduardo Año ang “new model” sa pahayag na wala namang bago sa pagsisinungaling ng China.
Maliwanag aniya ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa patuloy na aktibidad sa Ayungin Shoal alinsunod sa international law.