Taas-sahod ng manggagawa, tiniyak ng DOLE
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma na makapagpapatupad ang pamahalaan ng umento sa sahod sa lalong madaling panahon.
Ang pagtiyak ay ginawa ni Laguesma sa isang panayam sa radyo, kasunod na rin ng kautusan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na repasuhin ang minimum wage rates sa bansa.
Ayon kay Laguesma, bago sumapit ang unang anibersaryo ng umiiral na wage order ay magpapatupad muli ang mga Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) ng bagong wage order kaya’t hindi aniya ‘false hope’ lang ang pahayag ng pangulo hinggil dito.
Tiniyak din ni Laguesma, na siya ring chairman ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), na bilang tagapaglikha ng polisiya ng RTWPBs ay sisiguruhin nilang maipatutupad ang direktiba ng pangulo.
Ipinaliwanag pa ng DOLE chief na base sa kanilang mga dati nang karanasan, kalimitan nang nag-uutos ng panibagong umento sa sahod ang RTWPB matapos marepaso ang kasalukuyang rates.
Makatutulong naman aniya ang kautusan ng pangulo upang mapabilis pa ang proseso ng deliberasyon at maiwasan ang kawalan ng katiyakan ng paglalabas ng mga bagong wage orders.
Paglilinaw pa ng kalihim, iba-iba ang petsa ng anibersaryo ng mga umiiral na wage rates sa 17 rehiyon sa bansa.
- Latest