MANILA, Philippines — Dismayado ang ilang grupo ng manggagawa sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na "iparebyu" ang sahod ng mga manggagawa para mai-"adjust" ito — mas mainam pa rin daw kasing masertipika bilang urgent ang wage hike bills.
Miyerkules nang ipa-review ni Bongbong sa Regional Tripartite Wage and Productivity Boards (RTWPBs) ang minimum wage rates sa kani-kanilang rehiyon habang inaalalaa ang epekto nito sa inflation
Related Stories
"Ano pa ba ang dapat i-review ng RTWPBs ngayong napakatagal nang 'di sumasapat ang sahod ng mga manggagawa? 35 years nang ang trabaho lang ng mga RTWPBs ay magtakda minimum wage, in short, isa lang itong mekanismo sa pambabarat ng sahod," ani KMU secretary ngeneral Jerome Adonis nitong Huwebes.
"Dapat buwagin na ang RTWPBs, magtakda ng legislated na halaga ng pasahod sa buong bansa, at tiyakin na maaabot nito ang nakabubuhay na antas."
Kasalukuyang nasa P610/araw ang minimum wage sa Metro Manila ayon sa National Wages and Productivity Commission, ang pinakamataas sa buong Pilipinas.
Halos kalahati lang ito ng family living wage para sa National Capital Region (NCR) na P1,197/araw, ayon sa IBON Foundation. Ang naturang halaga ay ang kinakailangan diumano ng isang pamilyang lima ang miyembro para "mabuhay nang disente."
Matagal-tagal nang inilalaban ng Makabayan bloc ang P750/araw na umento sa minimum na sahod across the board, bagay na magsasara aniya ng wage gap sa pagitan ng minimum na sweldo at family living wage. Gayunpaman, hindi pa ito naipapas sa Kamara.
Una nang lumusot sa Senado ang P100 umento sa sahod ngunit hindi pa rin naipapasa bilang batas, ito habang pinapalagan ito ng ng mga negosyante't economic managers dahil sa posibleng "wage distortion," "pagkalugi" ng mga kumpanya't epekto nito sa pagpapataas diumano ng presyo ng bilihin.
Pahayag ni Marcos 'palabas lang'
Sang-ayon kay Adonis, sinabi ni Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) prseident Luke Espiritu kahapon na "for show" lang ang kautusang ito ni Bongbong.
"Ang kautusan ni Marcos Junior para sa expedite review ay palabas lamang. Dahil ang review, wage petitions at hearings bago maglabas ng wage orders ay kailangang sundin ng RTWPBs, ayon sa Rules and Procedure ng Minimum Wage-Fixing," ani Espiritu sa hiwalay na pahayag.
"Also, Marcos Junior has the gall of harping on giving 'full protection' to labor, as stated in the Constitution but he fails to address the threats to labor rights and welfare, namely contractualization and "red-tagging."
Kung hindi aniya mae-exercise ang karapatan sa pag-oorganisa sa sarili, ang mga manggagawa aniya ay maiiwan diumano sa pang-aabuso ng employers.
Kanina lang nang sabihin ng IBON Foundation na nananatiling "mababa" ang pasahod habang papataas naman ang productivity ng mga maggagawa at kita ng top 1,000 corporations.
Ayon sa research group, tumaaaas ng 491.4% patungong P4.3 bilyon ang net income ng mga nabanggit na kumpanya sa isang araw habang bumaba pa ng 5.7% papuntang P337 ang tunay na halaga ng daily wage rate ng manggagawa sa Piipinas. Ito'y kung constant aniya ng mga datos sa 2018 prices.