MANILA, Philippines — Tomador o manginginom na ng alak ang nasa 10-19 na taong gulang na batang Pinoy, batay sa istatistika ng ginawang pag-aaral ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).
Sa pagtalakay sa 2021 Expanded National Nutrition Survey (ENNS) ng DOST-FNRI nitong Martes, Abril 30, sinabi ng ahensya na humigit-kumulang 13.2 % ng mga Pilipino sa pagitan ng edad na 10 at 19 ay kasalukuyang umiinom ng alak sa loob ng nakaraang taon.
Lumalabas na 16.1% ang mga lalaki na mas mataas, kumpara sa mga babae sa 10.4%.
Natukoy din na ang higit sa kalahati o 51.4% ay nakikibahagi sa binge drinking o inuman na hindi bababa sa 5 bote o baso, habang 4 naman sa mga babae, na nagdudulot ng mga alalahanin tungkol sa alkoholismo sa mga kabataang Pilipino.
Tinutukoy sa pag-aaral na ito na ang mga kasalukuyang manginginom ay nakakakonsumo ng isa o higit pa ng anumang uri ng alak, sa nakalipas na taon, ayon sa World Health Organization (WHO).
Iniulat din ng WHO na ang pag-inom ng alak ay ang pangunahing kadahilanan ng panganib para sa maagang pagkamatay at kapansanan sa mga taong 15-49 taong gulang, na nasa 10% ng mga nasawi sa pangkat ng edad na ito.
Dahil dito, ang House Bill No. 1753, na kilala bilang Anti-Underage Drinking Act, ay inihain noong Hulyo 11, 2022 sa layuning itaas ang legal na edad para sa pag-inom ng alak at magpataw ng mga parusa sa mga lalabag upang limitahan ang pagkakaroon ng alak sa mga Kabataan.
Sinabi ng DOST, na bukod sa gobyerno, dapat na ang mga magulang at tagapag-alaga na mismo ang magpatupad ng preventive measures para maiwasan ang pag-inom ng menor-de-edad.
Dapat na ipaliwanag sa mga Kabataan ang kahihinatnan ng pag-inom ng alak at sa halip ay turuan ng healthy lifestyle.