MANILA, Philippines — Isinulong ni Senator Francis “Tol Tolentino ang Senate Bill No. 1388, mas kilala bilang “Good Samaritan at Sea” Law.
Layon ng nasabing batas na magbigay ng kaparusahan sa mga tatangging magbigay tulong sa mga taong nasa gitna ng peligro sa gitna ng karagatan.
Una nang hiniling ni Tolentino na iprayoridad ang nasabing batas kasunod ng insidente sa West Philippine Sea kung saan nalagay sa peligro ang buhay ng 22 mangingisda.
Paliwanag ni Tolentino, isa ang Pilipinas sa mga bansa na mayroong international maritime agreements at kinakailangan umanong maisama ang mga probisyon nito sa ating lokal na batas.
Aniya, sa pagpasa ng nasabing batas ay magkakaroon ng malinaw na hurisdiksyon sa mga maritime issues at mas mapapanagot ang mga tao na hindi tutulong sa kapwa na nasa gitna ng peligro sa dagat.