MANILA, Philippines — Wala umanong aasahang umento sa sahod ang mga manggagawa para sa ika-122 taong anibersaryo ng Araw ng Paggawa.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma, lahat kasi ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) sa buong bansa ay nakapaglabas na ng kautusan na nagkakaloob ng umento sa sahod para sa mga minimum wage earners at mga kasambahay.
Aniya pa, ipinauubaya na nila sa lehislatura ang paglalabas ng legislated wage increase dahil hindi ito sakop ng awtoridad ng DOLE.
“Sa bahagi ng DOLE natapos na ang round ng minimum wage adjustments. Over and above that we are leaving it to the legislature,” paliwanag pa ni Laguesma, sa panayam sa radyo.
Sa kabila nito, tiniyak ng DOLE chief na magiging masaya pa rin ang mga manggagawa dahil kahit naman walang umento sa sahod sa Labor Day, pagkakalooban din naman nila ang mga manggagawa ng mga abot-kayang mga goods, trabaho, pangkabuhayan at iba pang assistance.
Aniya, magtatayo ang pamahalaan ng mga Kadiwa stores sa 103 sites sa buong bansa kung saan maaaring makabili ang mga manggagawa at kanilang pamilya ng mga commodities sa abot-kayang presyo.
Mayroon din silang alok na libreng sakay para sa mga manggagawa sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Ani Laguesma, aabot sa 200,000 local at overseas vacancies ang iaalok sa mga naturang job fairs na isasagawa sa iba’t ibang lugar sa bansa.