MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ng Philippine Coast Guard (PCG) na tuloy ang pagdaraos ng Balikatan drills ng Pilipinas at Estados Unidos, sa kabila ng presensiya ng Chinese Navy.
Sinabi ito ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) kasunod ng pagkumpirma ni AFP-Western Command Spokesperson Captain Ariel Coloma na isang Chinese navy ship ang naispatan nila, may pito hanggang walong nautical miles ang layo, mula sa lugar kung saan idinaraos ang Balikatan exercises noong Linggo, Abril 28.
Ayon kay Tarriela, wala silang planong itigil ang pagsasanay dahil lamang sa presensiya ng Chinese Navy. Nagpapapansin lamang anya ang China at istratehiya nila ito upang maramdaman ang kanilang presensiya sa lugar.
“Ang intensyon lang ng People’s Republic of China dito ay magpapansin. Sabihin nila na nandiyan sila sa area, but definitely hindi naman natin ihihinto ito dahil nandiyan sila,” paniniguro pa ni Tarriela.
Dagdag pa ni Tarriela, hindi na lamang nila papansinin ang presensiya ng Chinese Navy ships at hindi rin nito mapipigilan ang Balikatan exercise ng Pilipinas at mga kaalyado nito.