MANILA, Philippines — Hindi naghahanap ng anumang giyera ang Estados Unidos kaugnay ng isinasagawang Phl-US Balikatan joint military exercises sa bansa.
Ito ang nilinaw ni Lt. Gen. Michael Cederholm, Commanding General ng US Marine 1st Expeditionary Force sa panayam ng Defense reporters.
“We’re not looking for a fight… Everything we are doing is defensive in nature,” paliwanag ni Cederholm nang matanong sa isyu hinggil sa pagkaalarma ng China sa isinasagawang Balikatan joint exercises.
Una nang pinalagan ng China ang Multilateral Maritime Exercises o ang sama-samang paglalayag ng US, Philippines at French Navies sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Cederholm na ang Balikatan joint exercises sa taong ito ay nakapokus sa air missile defense, cyber defense at iba pang drills na magsisilbing pananggalang laban sa panlabas na banta sa seguridad.
Sa taong ito ay nasa 16,000 US at Pinoy troops ang kalahok sa Balikatan drills na nagbukas nitong Abril 22 at tatagal hanggang Mayo 10.
Inihayag pa ng US General na ang Balikatan joint military exercises sa pagitan ng Pinas at US troops ay isang perpektong training ground para sa Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC) ng pamahalaan ng Pilipinas.
Magugunita na ang CADC ay inanunsyo ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. para pagsamahin ang lahat ng services ng AFP sa pagtatanggol sa teritoryo ng karagatan ng Pilipinas partikular na sa nasasaklaw ng 200 nawtikal na milya sa Exclusive Economic Zone (EEZ ) ng bansa.
“We have great capabilities. The army, the air force, and the AFP modernization efforts are all designed to plug into the CADC. I think it’s a natural wedding of capabilities and modernization. This is the perfect training ground for us to do that,” saad pa ni Cederholm.