MANILA, Philippines — Pumanaw na kahapon si dating senador Rene Saguisag, 84, kilalang human rights advocate sa panahon ng diktaduryang Marcos at nagtaguyod ng Free Legal Assistance Group.
Sa pamamagitan ng social media ay kinumpirma ng pamilya ang pagpanaw ni Saguisag kasabay ng hiling na bigyan muna sila ng “few moments of privacy” habang sila ay nagluluksa.
“It is with profound sadness that we announce the passing of our dear Papa and Lolo,” saad sa Facebook post ni Rebo Saguisag, anak ng kilalang human-rights lawyer.
Nagsilbing spokesman ng yumaong Pangulong Cory Aquino si Saguisag mula sa pagiging human rights lawyer simula 1972 hanggang 1986.
Naging senador noong 1987 hanggang 1992 bilang kasapi ng Liberal Party at pinamunuan ang Committee on Ethics.
Agad namang nagpahatid ng pakikiramay ang Senado sa pangunguna ni Senate President Juan Miguel Zubiri.
Inilagay sa “half mast” ang bandila sa harap ng gusali ng Senado upang iparating ang kanilang pakikiramay sa pagpanaw ni Saguisag.