MANILA, Philippines — Pinasinungalingan ng Malacañang ang kumakalat na "deepfake" audio recording diumano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung saan binigyan niya diumano ng “go signal” ang kasundaluhang umatake sa ibang bansa.
Ito ang inilinaw ng Presidential Communications Office (PCO) sa isang pahayag na inilabas sa Facebook nitong Martes ng gabi tungkol sa paggamit ng generative artificial intelligence (AI) sa disinformation.
"It has come to the attention of the Presidential Communications Office that there is video content posted on a popular video streaming platform circulating online that has manipulated audio designed to sound like President Ferdinand R. Marcos Jr.," sabi ng PCO kahapon.
"The audio deepfake attempts to make it appear as if the President has directed our Armed Forces of the Philippines to act against a particular foreign country. No such directive exists nor has been made."
Ginagamit ang makabagong teknolohiyang generative AI para sa digital content manipulation. Bagama't ginagamit ito ng ilan sa katatawanan o memes, kasangkapan din ito ng ilan para sadyang manloko.
Sa paggawa ng deepfakes, kayang aralin ng AI tools ang paraan ng pagsasalita o kilos ng isang tao para pagmukhaing sinasabi o ginagawa ang mga bagay na hindi totoo.
Kumikilos na aniya ang PCO upang malabanan ang disinformation sa pamamagitan ng media and information literacy (MIL) campaign habang nakikipagtulungan sa mga sumusunod na ahensya ng gobyerno:
- Department of Information and Communications Technology (DICT)
- National Security Council (NSC)
- National Cybersecurity Inter-Agency Committee (NCIAC)
Ang aksyong ito ay para aniya matugunan ang paglipana ng mga malisyosong video at audio deepfakes atbp. generative AI content.
"Let us all be more vigilant against such manipulated digital content that are deployed by actors to propagate malicious content online and advance a malign influence agenda," patuloy ng PCO.
"We encourage everyone to work with us in fostering a more aware, resilient, and engaged citizenry in our digital commons."
Lumabas ang naturang deepfake sa gitna ng patuloy na harassment at pang-aagaw ng Beijing sa West Philippine Sea, bagay na matatagpuan sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Maynila.
Ginagawa ng Tsina ang panggigipit kahit na 2016 pa binalewala ng Permanent Court of Arbitration ang kanilang claim sa naturang bahagi ng South China Sea.