Suporta ng gobyerno sa healthcare workers, siniguro ni Pangandaman
MANILA, Philippines — Siniguro ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na tutugunan ang lahat ng alalahanin ng sektor ng kalusugan at pangangailangan ng healthcare workers.
Ginawa ni Pangandaman ang pahayag sa harap ng mga opisyal ng Alliance of Health Workers sa pangunguna ng pangulo nila na si Robert Mendoza.
“We are dedicated to ensuring that our healthcare workers are equipped to serve our people, especially during times of crisis. This includes the provision of health emergency allowances (HEA) to support their invaluable contributions to public health,” ayon pa kay Pangandaman.
Iginiit pa ni Pangandaman na naglaan na ang DBM ng halagang P91.283 bilyon mula 2021-2023 para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA).
Ang nasabing halaga anya ay naibigay sa Department of Health (DOH) ng pautay-utay na may P19.962 bilyon para ngayong 2024.
Ang alokasyon sa PHEBA ay para sa healthcare workers, kabilang na ang health emergency allowances, special risk allowances, kompensasyon para sa mga nagkasakit at namatay dahil sa COVID-19 gayundin sa karagdagang benepisyo tulad ng pagkain, accommodation at transportation allowances.
Sa naturang halaga, P64 bilyon ang naibigay sa DOH, kaya pinamamadali ng DBM ang computation ng HEA claims arrears.
Binigyang diin ni Pangandaman ang walang tigil na commitment ng gobyerno sa mga health services na nakahanay sa Eight -Point-Socio-economic Agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
- Latest