MANILA, Philippines — Sinuportahan ng Association of General and Flag Officers (AGFO) ang aksiyon ng Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang ahensiya ng pamahalaan gayundin ang iba pang mambabatas upang imbestigahan si dating House Speaker at Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez.
Ito’y matapos manawagan si Alvarez sa AFP noong Abril 14 ng taon ito sa isang rally sa Tagum City, Davao del Norte na kumalas na ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., upang wala na itong pagpilian pa kundi ang bumaba sa puwesto.
“Rep. Alvarez’s call for military withdrawal of support to the President is a glaring attempt, in pursuit of a purely political end, to test the organizational ethos of the country’s armed forces”, anang AGFO.
Si Alvarez ay isang reservist na may ranggong Colonel sa Philippine Marines na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng Philippine Navy.
Una nang nanawagan si Alvarez na magbitiw na sa puwesto si PBBM at iturnover ang posisyon kay Vice President Sara Duterte upang hindi na umano uminit ang tensiyon sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Samantalang noong 2005 ay nanguna rin si Alvarez sa pagsusulong ng One Mindanao movement na magdeklara ng independence o pagsasarili ang Autonomous Region.
Noong huling bahagi ng 2023 sa gitna na rin ng pagsusulong ng maritime zones sa South China Sea ay muling nanawagan si Alvarez na ituro sa mga tao adbokasya para sa pagsasarili ng Mindanao.