Presyo ng bigas sumirit sa P2 kada kilo – DA

Rice dealers display rice and their prices at New York Street, Cubao, Quezon City on April 16, 2023.
STAR/ Michael Varcas

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) ang pagtataas ng P2 kada kilo sa presyo ng regular at well-milled rice.

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary at  spokesman Arnel De Mesa, kumpara sa nakaraang presyuhan ng bigas na P50-P51 kada kilo, pumapalo na ito ngayon ng P51-P52 kada kilo.

Sinabi ni De Mesa na inaalam na nila ang dahilan ng pagtaas ng  presyo dahil nasa harvest season pa rin kaya dapat ay mas mababa ang presyo kada kilo ng bigas.

Ani De Mesa, bagama’t hindi malaki ang itinaas, kaila­ngan na matukoy  kung bakit nagkakaroon ng pagtataas. Nakikipag-ugnayan na rin sila sa National Food Authority at iba pang ahensiya ng gobyerno upang maresolba ang isyu.

Lumilitaw sa monitoring ng DA, ang retail price ng local regular rice ay nasa P48 at P52 per kilo; local well-milled rice, P48 at P55 per kilo; local premium rice, P51 at P58 per kilo at local special rice, P57 at 67 kada kilo.

Naglalaro naman sa P48 at P51 ang imported regular; P50 at P58 kada kilo sa imported well milled; P50 at 62 kada kilo sa imported premium rice, habang P56 at P64 per kilo ang imported special rice.

Dagdag pa ni De Mesa, sa pagtaya ng United States Department of Agriculture (USDA) posibleng bumaba ang total importation ng Pilipinas sa  3.9 million metric tons (MT) mula sa dating 4.1 million MT.

Indikasyon lamang na inaasahan ang magandang anihan sa kabila ng dinanas na El Niño at pag-ulan sa bansa.

May maayos na irrigation sa Central Luzon at produksiyon ng  palay.

Samantala, sinabi pa ni De Mesa na itinutulak ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. ang P250 billion budget sa 2025 upang  maipatupad ang four-year plan para sa  agriculture sector.

Show comments