MANILA, Philippines — Planong bawasan ng Commission on Elections (Comelec) ang bilang ng mga partylist group na lalahok sa May 2025 elections.
“Hopefully, we can reduce the number of party-list groups to just around 130,” pahayag ni Comelec Chairman George Garcia sa panayam ng media.
Noong Mayo 2022 elections ay nasa 177 na ang lumahok na party-list organization.
Paliwanag ni Garcia na layunin dito ng Comelec na matiyak na ang mga tatakbo ay ang mga pinaka-kwalipikado.
“So that it will really be representative of the truly marginalized and underepresented,” aniya.
Bukod pa dito, nais ding iwasan ng Comelec ang sobrang haba ng official ballot para sa midterm elections.
Nagpapatupad naman aniya ang Comelec ng mahigpit na panuntunan sa accreditation ng mga bagong party-list para mabawasan ang bilang ng mga tatakbo.
“We have already dismissed 130 (Petitions for Registration of party-lists) out of the more or less 200 applicants,” ani Garcia.
Sa kasalukuyan, nasa 17 party-list organizations lamang ang nabigyan ng akreditasyon.
Ang mga organized groups na rehistrado sa Commission at nakapaghain na ng kanilang Manifestation of Intent to Participate ay maaaring sumali sa party-list elections.