MANILA, Philippines — Sumaklolo si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon kay First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos, at pinayuhan pa si Vice President Sara Duterte na hanapin ang sarili nito, sa gitna ng tensiyon sa pagitan ng Unang Ginang at Bise Presidente.
Matatandaang inihayag ng Unang Ginang ang kanyang pagkabahala sa mga ipinakikitang pag-uugali ni Inday Sara na tila dumidistansiya na sa Administrasyong Marcos.
Sabi ni Gadon, kailangan “ire-examine” ng Bise Presidente ang kanyang mga posisyon dahil ang pagdalo nito sa mga rally ay nagpakita na tila gusto nitong maghasik ng destabilisasyon na hindi magandang makita ng mga Pilipino.
Maging ang Pangulong Marcos ay nagsabi na rin na ang kanyang relasyon sa pamilya ng mga Duterte ay “complicated”.
Paliwanag niya, ang pagdalo ni VP Sara sa mga tinatawag na ‘Peace Rally’ o’ ‘Prayer Rally” sa pangunguna ng kanyang mga kaanak ay tila pagpapakita ng destabilisasyon.
“Peace rally, Prayer rally, turned destabilization rally. Saan ka nakakita na peace, prayer rally pero lahat ng naroon ay masasama ang sinasabi tungkol kay Pangulong Bong Bong Marcos?” dagdag ni Gadon.
Nanawagan din siya sa iba pang nasa likod ng mga rally na nabanggit na itigil na ang pagdaraos ng mga ganitong gawain dahil nakakasama lamang ito sa ekonomiya ng bansa.