MANILA, Philippines — Kakanselahin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga inisyu nitong tiket sa mga nahuling lumalabag sa e-bike at e-trike ban sa major Metro Manila roads — kasama riyan ang pagkaka-impound ng sasakyan dahil dito.
Ito ang inilinaw ni MMDA acting chair Don Artes, Biyernes, isang araw matapos iutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang buwang palugit bago muling magpataw ng P2,500 multa atbp. parusa.
Related Stories
Matatandaang ika-15 ng Abril naging epektibo ang polisiya.
"[D]efinitely we'll find a way to make the directive of the president retroactive," sabi ni Artes sa isang press briefing ngayong araw.
"In which case, aaralin po namin kung paano ika-cancel 'yung mga na-issue na ticket, which before po tayo na-inform ng direktiba ng pangulo, ay 290 na at 69 'yung impounded."
Una nang sinabi ng MMDA na napagkaisahan ng Metro Manila Council ang naturang resolusyon dahil sa isyu ng "kaligtasan." Marami raw kasi sa mga nagmamaneho ng e-bike at e-trike ay walang lisensya.
Ito'y kahit una nang ipinunto ng mobility advocates, gamit ang MMDA data, na 'di hamak na mas maraming nai-injure at napapatay ang mga pribadong kotse at motorsiklo sa kalsada.
Sa kabila nito, aminado naman si Artes na hindi simple ang pagbawi sa mga naunang naparusahan. Tanging ang mga hinuli ng MMDA lang daw kasi ang pwedeng ikansela at hindi ang mga napara ng local government units (LGUs).
Inilinaw din ng MMDA na ilan sa mga nahuling e-bike at e-trike drivers ng LGU ay dahil sa pagpasada nang walang prangkisa, bagay na dati nang pinagbabawalan.
"Again, hahanapan po namin ito ng paraan para ma-cancel po itong mga ticket na ito, at makikipagtulungan po kami sa mga LGUs kung paano mapapasaoli 'yung 69 na impounded," sabi pa ni Artes.
MMDA: Sapat na oras ibinigay namin
Primaryang dahilan kung bakit sinuspindi ni Marcos ang pagpapataw ng multa at pag-i-impound sa sasakyan ng drivers na walang lisensya ang kagustuhang mapalawak pa ang information dissemination tungkol sa bagong polisiya.
Bukod sa marami pa raw kasi ang hindi nakakaalam sa polisiya, hindi rin daw alam ng mga motorista kung ano ang alternate routes na pwedeng gamitin ng e-vehicle riders.
Gayunpaman, naniniwala si Artes na sapat na oras na ang kanilang ibinigay bago ito ipinatupad noong Lunes. Nagsagawa raw kasi sila ng consoltations, posts, press conference at matagal nang nagpapainterbyu sa media tungkol dito.
Idiniin din ni Artes na bagama't awat muna sa paniniket at pag-i-impound ang MMDA, maaaring makasuhan ng disobedience of persons with aauthority, driving without license at disregarding traffic signs ang mga magpupumilit dumaan sa mayor na kalsada ng Kamaynilaan.
"Huwag na pong magpumilit ang ating mga kababayan. Hindi po naalis 'yung pagbabawal ng pagdaan ng mga ganitong klaseng sasakyan sa mga pangunahing lansangan," sabi niya.
"Yung pinagbawal lang po ng pangulo ay 'yung hindi pagti-ticket at hindi mag-i-impound. Huwag ho natin abusuhin ang kabaitan ng ating pangulo."