SC pinagkokomento Senado
MANILA, Philippines — Sa halip na maglabas ng temporary restraining order (TRO), inatasan ng Korte Suprema ang Senado na maghain ng komento sa petisyon ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader at founder, Pastor Apollo Quiboloy, na humihiling na patigilin ang legislative chamber sa pagpapaaresto sa kanya.
Nangangahulugan ito na nananatili pa ring epektibo ang arrest order ng Senado laban kay Quiboloy.
Sa isang pulong balitaan kahapon, sinabi ni Supreme Court (SC) Spokesperson Camille Ting na binigyan lamang ng SC ang Senado ng hanggang 10-araw, mula sa petsa nang pagkatanggap ng abiso, upang maghain ng kanilang komento hinggil sa petisyon.
“The (SC) order was for the parties to comment (on the petition),” ayon kay Ting.
Matatandaang noong Marso 19, inaprubahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang isang arrest order laban kay Quiboloy dahil sa patuloy nitong pagtanggi na dumalo sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga alegasyon ng pang-aabusong sekswal laban sa kanya.
Umakyat naman si Quiboloy sa mataas na hukuman at hiniling na ipagwalang-saysay ang arrest order ng Senado.
Bukod sa pagpapaaresto ng Senado, naglabas na rin ng warrant of arrest laban kay Quiboloy ang regional trial courts (RTC) ng Davao City at Pasig City dahil sa mga kasong sexual abuse at qualified human trafficking na kanyang kinakaharap doon.