MANILA, Philippines — Dahil sa inabot na matinding batikos, napuwersang humingi ng paumanhin si dating Speaker Pantaleon Alvarez sa kanyang walang basehan at may pagka-sedisyong panawagan sa militar at pulisya na iatras ang kanilang suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
“Pasensya na, nadala rin ng bugso ng damdamin,” ani Alvarez sa isang pahayag sa isang prayer rally sa Tagum City.
Binanatan din si Alvarez ng mga kasamahang kongresista, kabilang ang Mindanaoans na sina Camiguin Rep. Jurdin Jesus Romualdo, Lanao del Norte Rep. Khalid Dimaporo, House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
Nais ni Romualdo na kasuhan ng Department of Justice (DoJ) ng sedisyon si Alvarez at sinabi naman ni Dimaporo na hindi malayong maharap sa ethics complaint ang dating Speaker.
Ibinasura rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang panawagan ni Alvarez kasabay ng paggiit ng kanilang suporta kay Pangulong Marcos.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla nananatiling committed ang AFP sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ng bansa.
Sinabi naman ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na nanatili ang suporta ng ahensya sa gobyerno at nanawagan na huwag isama ang kapulisan sa pamumulitika.