4 Pinoy na sakay ng barko na hinarang ng Iran, ligtas

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na nasa ligtas na kalagayan ang apat na Pinoy na lulan ng container ship na MSC Aries, na hinuli ng Iran authorities kamakailan.

Ayon kay DMW Officer-In-Charge (OIC) Hans Leo Cacdac, batay sa pinakahuling impormasyon na kanilang natanggap ay pawang ‘safe and sound’ ang mga di pinangalanang tripulante.

Kasalukuyan pa rin umano silang nakasakay sa MSC Aries, na nakaangkla sa Port of Iran.

Tiniyak naman ni Cacdac na humihingi sila ng pagkakataon na makausap nila ang mga naturang Pinoy, gayundin ng kanilang mga kaanak.

Nakausap na rin umano nila ang mga kaanak ng mga naturang tripulante at tiniyak sa mga ito na pagkakalooban sila ng buong suporta ng pamahalaan.

Nakikipag-ugnayan na rin umano ang DMW sa Department of Foreign Affairs (DFA) na siyang sinasandalan nila sa ngayon dahil sila umano ang may diplomatikong pakikipag-ugnayan sa pamahalaan ng Iran.

Tiniyak naman ni Cacdac na walang nagaganap na harassment sa mga Pinoy ngunit hindi pa umano sila makapagbibigay ng timeline kung kailan nila makakausap ang mga ito at kung kailan sila pahihintulutang makauwi ng Pilipinas.

Nabatid na dakong alas-2:30 ng hapon ng Sabado habang naglalayag ang MSC Aries patungong India, mula sa Abu Dhabi nang pagsapit umano sa naturang lugar ay sumampa ang Iranian Navy sa barko at saka isinagawa ang seizure sa barko at dinala sa Iran.

Show comments