MANILA, Philippines — Para mabawasan ang mga gastusin ng mga persons with disability (PWD) at mga solo parents sa paghahanap ng trabaho, maghahain ngayong Lunes ang ACT-CIS Partylist ng batas para gawing libre na ang mga dokumento bilang job requirements para sa sektor na ito.
Ayon kay ACT-CIS Representative at Deputy Majority Floor Leader Erwin Tulfo, ang mga dokumento tulad ng birth certificate, NBI, Police, at Barangay Clearance, maging ang Health Certificate ay magiging libre na para sa mga PWD at Solo Parents sa nasabing panukalang batas.
Dagdag pa ng mambabatas, “karamihan sa PWDs ay may mga maintenance o therapy na binabayaran habang ang mga solo parents, mag-isa nilang pinapalaki ang anak nila”.
“Any savings para sa kanila ay malaking tulong habang naghahanap sila ng employment,” wika niya.
Sa kasalukuyan ay may batas na libre ang pagkuha ng mga requirements pero para sa mga first time job seekers.
Pahayag pa ni Cong. Tulfo, ang batas na ihahain niya ay everytime na mag-apply ng trabaho ang mga PWD at Solo Parent ay libre ang pagkuha nila ng mga requirements.