MANILA, Philippines — Umabot na sa 25,904 household-beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tanggal na sa programa nang makitang kaya na nilang makapamuhay ng maayos para sa pamilya.
Ayon sa DSWD, ang nasabing bilang ay base na rin sa datos nitong first quarter ng taong kasalukuyan.
“The 4Ps Pugay-Tagumpay graduation and exit ceremony is a celebration of the beneficiaries’ milestone and highlights the significant achievement that reflects the dedication and hard work of both the beneficiaries and the program implementers,” sabi ni Asst. Secretary for Disaster Response Management Group Irene Dumlao.
Ang mga 4Ps graduates ay kinilala sa ginanap na ‘Pugay Tagumpay’ graduation and exit ceremonies sa ibat ibang DSWD Field Office, katuwang ang local government units (LGUs).
Ang ‘Pugay Tagumpay’ ay maituturing na komendasyon sa mga benepisyaryo na napabuti ang buhay dahil na rin sa programa ng ahensya sa tulong na rin ng ilang partner stakeholders.
Ayon kay Dumlao, ang mga household beneficiaries na tinatayang nakamit na ang self-sufficiency status kasama na ang mga nagboluntaryong umalis na mula sa programa ay nai-endorso na rin sa mga local government units (LGUs) na kanilang nasasakupan upang mapanatili na mapabuti ang kanilang kalagayan sa buhay.
Ang 4Ps ay isang flagship program ng gobyerno na naglalayong maiangat ang buhay ng mga mahihirap nating kababayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa pag-aaral ng mga kabataan, nutrisyon at kalusugan.