MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawin na lamang sa gabi ang lahat ng road work projects para hindi makadagdag sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga lansangan.
Sinabi ng Pangulo na hanggat ang mga roadworks ay gawin sa gabi maliban sa mga tulay dahil magmamahal ito at dodoble ang oras na aantayin ito.
“Pero ‘yung mga roadworks na talagang maraming dumaraan pagpapasok at uuwi, ‘wag na nating harangin. antayin na nating ‘yung gabi. ‘Yung gabi halos walang traffic, ‘yung gawin nating ‘yung roadworks doon. Hangga’t maaari, ‘wag lang ma-delay, ‘wag lang gawing mas mahal. Palagay ko, lalo na sa mga local feeder road pwedeng gawin ‘yun,” ayon pa kay Marcos.
Paliwanag pa ng Pangulo, ito ang mga stratehiya na dapat na suriin para mapaganda ang daloy ng trapiko at hindi mahirapan ang mga commuters at stakeholders at hindi rin maubos ang oras kahihintay ng sasakyan para makauwi lamang.
Inihalimbawa pa niya na kapag umuuwi siya ng alas-12 ng gabi ay marami pa siyang nakikita sa kalsada na naghihintay ng bus at hindi pa makauwi.
“Uuwi ‘yun ‘pag makasakay agad ng alas dose ‘yun, uuwi ‘yun ala-una na. Gigising uli ‘yun ng 4:30 the next day. Walang buhay talaga ‘yung mga tao, eh, kawawa naman,” ayon pa sa Pangulo.
Kaya dapat anya na ma-improve ang sitwasyon kaya ginagawa ng gobyerno ang lahat para maresolba ang problema sa daloy ng trapiko sa bansa.