MANILA, Philippines — Umakyat na sa mahigit 1,000 ang kaso ng pertussis sa bansa ngayong taon, habang pinangangambahan naman ang patuloy na pagbaba ng natitirang suplay ng bakuna para dito.
Sa ulat ng DOH, tumataas na kaso ng pertussis sa limang rehiyon sa nakalipas na anim na linggo.
Karamihan sa mga kaso ay mga batang wala pang 5 taong gulang, habang 4% ang edad 20 pataas.
Sa nakalipas na anim na linggo, ang Eastern Visayas, Cagayan Valley, CARAGA, Central Luzon, at Cordillera Autonomous Region ay nagpakita ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng pertussis.
Sa datos mula Enero 1 hanggang Marso 30, may 1,112 kaso, kabilang ang 54 na namatay,
Gayunman, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ang outbreak response immunization ay nagpapatuloy kahit na ang mga stock ng gobyerno ng pentavalent vaccines ay nauubusan na.
Pinoprotektahan ng five-in-one combination jab ang mga indibidwal laban sa pertussis, diphtheria, tetanus, hepatitis B, haemophilus influenzae type b.
“We anticipate a shortage in government pentavalent vaccine supply by May, and this is the gap we are now addressing,” ani Herbosa.
Iniutos na ni Herbosa ang paggamit ng Diphtheria-Tetanus-Pertussis (Tdap) vaccines na pansamantalang gamitin sa panahong hindi pa dumarating ang biniling suplay na 3 milyong doses ng pentavalent vaccines.
Iminungkahi rin ni Herbosa na mayroon pa namang stocks ang pribadong sektor ng pentavalent at Tdap vaccins kung nanaisin.