MANILA, Philippines — Walang plano ang Department of Agriculture (DA) na irekomenda na maipatupad ang paglalagay ng suggested retail prices (SRPs) sa bigas kahit na may bahagyang pagtaas ang inflation.
Ito ayon kay Agriculture spokesperson Arnel de Mesa ay dahil may matinding epekto ang paglalagay ng SRP sa bigas pagdating ng panahon.
Noong nagdaang taon, nagpalabas ng Executive order 39 si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mandated na SRP na P41 kada kilo ng regular-milled rice at P45 kada kilo ng well-milled rice pero itinigil din ang pagpapatupad sa naturang kautusan dahil nagpatuloy naman ang pagtaas ng presyo ng bigas hanggang ngayong taon.
Una rito, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tataas ang inflation sa bigas hanggang Hulyo pero manonormalisa pagsapit ng Agosto.
Gayunman, sinabi ni De Mesa na gumagawa ng paraan ang ahensiya upang mapababa ang cost of rice production tulad ng ginagawa ng mga karatig bansa ng Pilipinas tuloy magiging daan ito na mapababa naman ng halaga ng bigas sa pamilihan.