DMW: 3 Pinoy sugatan sa lindol sa Taiwan

MANILA, Philippines — Tatlong Pinoy ang bahagya umanong nasugatan sa magnitude 7.2 na lindol na tumama sa bansang Taiwan kamakalawa.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge (OIC) Hans Leo Cacdac, isa sa mga hindi pinangalanang Pinoy ay nagtamo ng bahagyang sugat sa ulo dahil sa bumagsak na kisame.
Isa pa ang nagtamo ng bahagyang sugat sa kamay habang lumilikas at isa naman ang nawalan ng malay-tao, sa kasagsagan ng lindol.
Tiniyak naman ni Cacdac na lahat ng mga naturang Pinoy ay nasa maayos nang kalagayan sa ngayon.
Nakalabas na aniya ng pagamutan ang dalawa sa kanila habang nananatili pa naman sa pagamutan ang Pinoy na nawalan ng malay bilang precautionary medical measures. Inaasahan namang kaagad din siyang makakalabas ng pagamutan.
Samantala, siniguro rin naman ni Cacdac na ang mga nasugatang Pinoy ay tatanggap ng tulong pinansiyal mula sa pamahalaan.
Wala pa naman aniya sa mga ito ang humihingi ng tulong upang mai-repatriate ng Pilipinas matapos ang lindol.
- Latest